ni Mariel Claire R. Payas
LUNGSOD NG ROXAS — Hindi pinalagpas ng Capiz State University ang pagkakataong maiselabra ang Buwan ng Wika sa pamamagitan ng isang programang dedikado sa temang "Filipino at mga Katutubong Wika: Kasangkapan sa Pagtuklas at Paglikha" na ginanap sa Dadivas Gym, CapSU - Main Campus, Agosto 30 ng kasalukuyang taon.
Inumpisahan ang programa sa isang panalangin na pinangunahan ni Louie Jay Galatage Coroz, Gobernador ng SSC, na sinundan ng pambansang awit mula sa CapSU-Main Chorale. Panatang Makabayan naman ang pinangunahang bigkasin ni Gian Paulo Matilliano, Pangulo-eksternal ng KapEduFil, kasunod ang Panunumpa sa Watawat sa pangunguna ni Ervi Kile Bulquerin, Pangulo ng SSC.
Sinimulan ang pagdiriwang matapos ang paunang salita mula kay Dr. Emmanuel D. Dayalo na nag-iwan pa ng mga katagang, "May pagkakaisa sa pagkakaiba-iba," bilang tugon sa tema ng taong ito.
Sinundan ito ng katutubong sayaw, handog ng CapSU-Main Dance Troupe at klasikal na awiting ipinresenta ni Crismel B. Ulam ng BSENTREP-3A.
Matapos ang mga inihandang presentasyon ay ipinakilala ni Prop. Christie T. Tanalgo, Tagapayo ng KapEduFil ang panauhing pandangal na si Dr. Victoria Cartujano, Senior Education Program Specialist, Monitoring and Evaluation, Division of Capiz. Matapos ang kaniyang personal na mensahe para sa mga estudyanteng patuloy na pinagyayabong ang kaalaman sa Filipino, iniwan ni Dr. Cartujano ang mga katagang binigkas ng pambansang bayani, Gat Jose Rizal: "Ang kaalaman ay ibinibigay sa lahat ngunit hindi lahat ay nakakakuha nito," kasabay ang hiling na sana ay may napulot na aral ang mga tagapakinig sa kaniyang mensahe.
Muling ipinagpatuloy ang kasiyahan at aliw nang magtanghal ang mga guro ng Departamento ng Industriyang Panteknolohiya ng modernong sayaw sa awiting pinoy sa pangunguna ni G. Joseph Bartolo.
Tampok rin sa programa ang talento ng maraming estudyante ng CapSU-Main tulad ng malayang pagguhit ni Roana Belle Albor ng BS Architecture - 1B, spoken poetry ni Rhianna Joy Arroyo mula sa Laboratory High School ng unibersidad, Dulang Radyo ng KapEduFil at Kontemporaryong Sayaw mula sa Kolehiyo ng Edukasyon.
Isinara ang programa sa isang pangwakas na panalanging pinamunuan ni Dexter Jem Ledesma, Presidente ng FLP, matapos ang paggawad ng sertipiko ng pagkilala sa lahat ng lumahok sa pagdiriwang. Sa pagtatapos ay sama-samang kumanta ang mga nagsidalo sa pangunguna ng CapSu-Main Chorale ng awiting pambansa.
Kalakip ng temang "Filipino at mga Katutubong Wika: Kasangkapan sa Pagtuklas at Paglikha" ay ang kahilingang mapanatiling buhay ang mga wikang pamana ng nakaraang henerasyon na nanganganib nang mawala.
Comments