CapSU Main, idinaos ang Buwan ng Wika Muling napukaw ang damdaming makapilipino ng mga estudyante ng Capiz State University matapos idaos ang taunang selebrasyon ng Buwan ng Wika noong nakaraang Agosto 30, 2019.
Binuksan ni Propesora Mary Jean Apuhin, guro sa Filipino ang programa sa kaniyang pagpapakahulugan sa temang “Wikang Katutubo: Tungo sa isang bansang Filipino,” upang higit pang hikayatin ang mga mag-aaral na yakapin ang kanilang wika.
"Pahalagahan natin ang wikang katutubo sapagkat sumasalamin ito sa ating pagkatao bilang isang pilipino," wika niya.
Nagpakitang gilas din ang iba't ibang pangkat mula sa Filipino 1A,1B, 2A, 2B at ibang Departamento katulad ng IT (Industrial Technology), CEA (College of Architecture and Engineering), LHS (Laboratory High School) at COED (College of Education) sa kanilang pagbabahagi ng talento.
Ginawaran din ng parangal ang mga nanalo sa "Timpalak- Panitik" kung saan nakapaloob dito ang spoken poetry, pagsulat ng tula, maikling kwento, sanaysay, dagliang talumpati at poster slogan na idinaos bago ang araw ng selebrasyon. Winakasan ito ng Larong Lahi katulad ng palo-sebo, sack race at iba pa, upang muling buhayin ang kultura at pagkapilipino ng bawat isa.
تعليقات